Paunang Salita sa Blockchain
Sa mga susunod na posts, hihimayin natin ang pagbuo ng blockchain, mula sa loob ng isang block. Ito ay parte ng Kabanata 7 (https://bitcoinbakamo.xyz/aklat/kabanata-7), kung gusto mo nang pag-aralan.
Napag-usapan na natin sa Kabanata 5 (https://bitcoinbakamo.xyz/aklat/kabanata-5-mekanismo-ng-pakikipagtransaksyon-sa-bitcoin) ang pagbuo ng transaksyon; at ang mga bagong transaksyon ay napupunta muna sa mempool. Mula rito, ang mga miners ay pumipili ng isasamang mga transaksyon na ilalagay sa isang block base sa fees at prayoridad. Kaya hindi garantisado ng oras kung kailan ginawa ang transaksyon na makukumpirma ito agad, lalo na kung mababa lang ang fee na katumbas.
Ang isang transaksyon ay makukumpirma kung:
> Ito ay naisama ng isang miner sa block, at ang miner na ito ang nanalo sa proof-of-work.
> Ang naturang block ay ang naipakalat sa mas maraming nodes, kaya ito ang madudugtungan ng mas maraming blocks sa susunod. At habang humahaba ang blockchain, mas tumataas ang seguridad na ang isang transaksyon sa mas malalim na block ay kumpirmado na.
Bahala na ang mga miner na mag-ayos ng transaksyon, basta:
> Pinakauna ang coinbase
> Kung sakaling nasa parehas na block maisasama ang mga transaksyon na konektado, mauuna dapat ang parent transaction na panggagalingan ng UTXO na gagamiting input ng isang child transaction.
> Ang isang UTXO ay isang beses lang pwede gamiting input ng transaksyon (bawal ang double spending)
> Ipagkakasya sa loob ng block ang kayang ipagkasya nang hindi lalagpas sa 4Mb, kasama na ang iba pang kinakailangang parte.
Paano inaayos ang mga transaksyon sa loob ng block? Pag-usapan natin iyan sa susunod.